Ang KOMPYUTER ay isang teknolohiya na ginagamit sa paggawa ng iba't ibang gawain. Ito ay isa sa mga in-demand na kagamitan sa kasalukuyan. Isa itong multi-purpose na kagamitan na nagbibigay ng iba't ibang kapakinabangan. Ayon nga kay Robert Taylor (1980), ang kompyuter ay mayroong tatlong mahahalaga at pangunahing papel sa buhay ng isang indibidwal; bilang Tool, Tutor at Tutee. Ang kompyuter ay maituturing na isang Tool sapagkat nagsisilbi itong isang midyum upang maisagawa natin ng maayos ang isang bagay, partikular na ang mga bagay na may kaugnayan sa pag-aaral. Alam natin na ang Tutor ay isang indibidwal na nagtuturo, kaya naman maihahalintulad natin ito sa kompyuter, sapagkat sa pamamagitan nito marami tayong nalalaman at natututunan. Lalo na sa mga estudyante, nagsisilbi itong instant Tutor para sa kanila dahil sa dami ng natututunan nila dito na kinakailangan sa kanilang pag-aaral. Pero hindi sa lahat ng pagkakataon ay tayo lamang ang makakabenepisyo, may mga sitwasyon na tayong mga indibidwal naman ang nagtuturo sa kompyuter upang mas maging maayos ang mga bagay na ninanais natin kaya naman sa puntong ito maituturing natin na ang kompyuter ay isa sa ating mga Tutee.
Sa kabila ng kahalagang hatid ng teknolohiyang ito, kapansin-pansin na may mga indibidwal pa rin na nanatili sa nakaraan at tila ayaw harapin ang pag-unlad ng kasalukuyan. Isa sa mga napansin ko sa isang eskwelahan kung saan ako namalagi, hindi naging bukas ang isip at damdamin ng ibang mga guro upang gamitin ang kompyuter bilang isang kagamitan sa kanilang pagtuturo. Maaaring dahil sa kakulangan sa kagamitan, kakulangan sa kaalaman tungkol dito at maaari ring sa sariling kagustuhan ng mga guro. Pero sa panahon ngayon, hindi sapat na pansariling kagustuhan lamang ang isasaalang-alang, marami nang mga pagbabago ang nangyayari sa mundo, kung hindi natin ito tatanggapin, kukulangin ang ating kaalaman. Walang masama kung susubukan ang mga bagay na magdudulot ng pag-unlad at pagpapalinaw sa mga bagay na tama.
Lahat ng bagay ay may mga negatibo at positibong naidudulot sa buhay ng tao.
Hindi natin maikakaila na ang pag-usbong ng modernong teknolohiya tulad ay kompyuter ay mga bentahe at disbentaheng hatid sa atin. OO, nariyan na gumaganap ito sa mga mahahalagang pangangailangan ng tao, lalo na sa mga bagay na kaugnay ng pag-aaral, kayraming naitutulong nito, ngunit wag nating balewalain ang mga maling bagay na alam nating naidudulot rin nito. Huwag nating kalimutan na kailangan itong gamitin ng may kasamang disiplina dahil kalakip ng kagandahang naidudulot nito ay marami rin ang masamang epekto nito sa atin. Tamang pag-gamit lamang ang kailangan dahil ito ay makatutulong ng malaki sa ating pag-aaral, sa ating pag-unlad at sa ating kinabukasan.
Hindi naman masama ang sumabay sa agos ng pag-unlad basta matuto tayong sumalungat sa mga bagay na alam nating hindi na dapat.